Prayers for Keeps in Filipino

ito ay koleksiyon ng mga panalangin na magagamit ng mga taong nasa gitna ng aksiyon sa pagsusulong ng kapayapaan at ikapagbabago ng ating lipunan. para ito sa mga aktibista, madre, pari, imam, estudyante, guro, sundalo, duktor, pulitiko atbp.

3. Panalangin ng Makabagong Aktibista

Diyos naming Mahal, ang bayang pinagsilangan Mo sa amin ay batbat ng pagdurusa at kaapihan
Naglipana ang mga mapang-alipin at mapagsamantala
At sa bawat araw na nagdaraan aming nakikita at nadarama na lumalabo ang pag-asa
Kinakailangan naming magsalita at sumigaw, itaas ang aming mga kamao at magkapit-bisig upang ang aming tinig at paninindigan ay marinig

Hinihiling namin, na habang kami’y nakikibaka kami’y gabayan ng Iyong mapagpalang presensiya

Sa bawat pagtaas ng plakard na aming hawak, turuan Mo kaming itaas ang aming mga pusong walang bahid ng kasakiman at personal na interes

Sa aming bawat pagsigaw, turuan Mo kaming bumulong sa aming kapwa ng mga salita ng pagpapatawad at paghingi nito

Sa aming maghapong pagtayo at pagmamartsa sa mga plaza at liwasang bayan, turuan Mo kaming lumuhod o yumukod na nagkakatipon sa Iyong dambana

Sa aming pag-akusa sa mga katiwaliang nagagaganap sa aming bayaan, turuan Mo kaming suriin ang aming mga kalooban para sa mga gawaing di nararapat

Sa aming paninindigan sa aming mga prinsipyo at ipinaglalaban, turuan Mo kaming umupo, mag-isip at magnilay, kung ito nga bang aming isinusulong ay naaayon sa Iyong pagnanasa at kahilingan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home